Araw ng Kalayaan ng Colombia
Ipinagdiriwang ng mga taga-Colombia ang Araw ng Kalayaan tuwing Hulyo 20, na kumakatawan sa araw noong 1810 nang magsimulang magprotesta ang mga residente ng Bogotá laban sa pamumuno ng mga Kastila.
Ang pambansang holiday na ito ay ginugunita bilang kalayaan ng Colombia mula sa Espanya. Isa sa mga pinakakaakit-akit na aspeto ng pagdiriwang ay ang saklaw nito sa buong mundo. Dahil sa malawakang emigrasyon sa kasaysayan ng Colombia, maraming selebrasyon ang ginaganap sa iba’t ibang lungsod sa buong mundo.
Noong 2020, dahil sa pandaigdigang pandemya, karamihan sa mga taga-Colombia ay nagdiwang ng Araw ng Kalayaan online. Habang humupa na ang pandemya sa ilang panig ng mundo, sabik na sabik ang mga taga-Colombia na muling makadalo sa mga pagdiriwang at parada kasama ang kanilang pamilya at mga kaibigan.
Nais naming batiin ang aming mga kustomer, kaibigan, at empleyadong taga-Colombia ng isang maligayang Araw ng Kalayaan!
Maikling Kasaysayan ng Araw ng Kalayaan ng Colombia
Dumating ang mga Kastila sa Colombia noong 1499 at itinatag ang unang permanenteng paninirahan noong 1510. Gayunpaman, iginiit ni Haring Charles III at ng pamahalaang Kastila na tanging sa Espanya lamang maaaring makipagkalakalan ang mga kolonya, na siyang humadlang sa kanilang paglago.
Ang suporta ng Espanya sa digmaan ng kalayaan ng U.S. ay nagdulot ng mas mataas na buwis, na lalong nagpataas ng galit ng mga tao laban sa Espanya.
Noong 1808, sinalakay ni Napoleon Bonaparte ang Espanya at ikinulong si Haring Ferdinand VII. Karamihan sa mga bahagi ng Spanish America, kabilang na ang New Granada (na ngayon ay Colombia), ay napunta sa kapatid ni Napoleon na si Joseph Bonaparte.
Pagkalipas ng isang taon, isinulat ni Camilo Torres Tenorio ng New Granada ang Remembrance of Offenses o Memorial de Agravios, na nagpapahayag ng paulit-ulit na pang-aabuso ng mga Kastila sa mga katutubo. Inilahad niya na hindi nasisiyahan ang mga taga-New Granada sa pamumuno ng Espanya. Partikular niyang binanggit na ang mga Criollos—mga taong isinilang sa Colombia na may dugong Kastila—ay hindi pinapayagang humawak ng mataas na posisyon.
Sa loob ng maraming buwan bago sumapit ang Hulyo 20, 1810, nagkaroon ng mga pag-aalsa at deklarasyon ng mga pamahalaang militar sa maraming rehiyon ng Colombia. Habang umiinit ang sitwasyon, inasahan ng mga kasapi ng partido politikal na mangyayari rin ito sa Bogotá.
Ninais ng mga Criollos na mag-umpisa ang pag-aalsa sa kabisera, kaya’t gumawa sila ng plano na may kaugnayan sa isang bagay na tila walang halaga—isang paso ng bulaklak!
Noong umaga ng Hulyo 20, bumisita ang ilang Criollos sa isang kilalang negosyante na si Jose Gonzalez Llorente upang hilinging ipahiram ang isang paso ng bulaklak na balak nilang ibigay sa isa pang Criollo. Maliit lamang ang hinihingi nila, ngunit inasahan nilang tatanggihan sila ni Llorente.
Ayon sa alamat, tumanggi nga si Llorente, kaya’t kinuha ng mga Criollos ang paso at binasag ito sa gitna ng kalye, na naging mitsa ng mga kaguluhan sa Bogotá na humantong sa pagkakatatag ng people’s junta o pamahalaang bayan.
Gayunpaman, hindi opisyal na naging malaya ang Colombia mula sa Espanya hanggang 1819.
6 Katotohanan Tungkol sa Pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng Colombia
1. May pagdiriwang sa buong mundo
Ang Pambansang Araw ng Colombia, o Araw ng Kalayaan, ay isa sa mga pinakamalaking selebrasyon ng mga komunidad ng mga taga-Colombia sa ibang bansa. Kabilang sa mga pagdiriwang ang mga parada ng militar, kasayahan, katutubong musika, at mga handaan ng tradisyunal na pagkain.
2. Isa sa pinakamalaking pagdiriwang ay sa Los Angeles
Ang California ay isa sa mga sentro ng Colombian diaspora, dahil sa ito ang tahanan ng pang-apat na pinakamalaking populasyon ng mga Colombian-American sa Estados Unidos.
Ang Los Angeles ay may tanyag na Festival Colombiano, isang engrandeng kasiyahan kung saan tumutugtog ang mga banda at DJ sa harap ng libu-libong tao. Isa rin itong magandang pagkakataon upang tikman ang mga putahe ng Colombian cuisine sa mga lokal na tindahan at delicatessen sa lungsod.
3. Tampok ang pagkaing Colombian
Isa sa mga pinakamasayang paraan upang ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan ng Colombia ay ang maghanda o tumikim ng tradisyonal na pagkaing Colombian gaya ng bandeja paisa, ajíaco, o aguapanela.
4. Isa lamang ito sa napakaraming pambansang holiday
Ang Colombia ay may mas maraming public holiday kaysa sa Estados Unidos o sa mga bansa sa Europa.
May 18 pambansang araw ng pahinga sa isang taon sa Colombia, at ang Araw ng Kalayaan ay isa sa mga pinakabantog! Dalawa lamang sa buong mundo ang may mas maraming holiday kaysa sa Colombia—ang Sri Lanka at India.
5. Mga paputok at sayawan ang pangunahing aliwan
Karaniwan nang ipinagdiriwang ng mga taga-Colombia ang Araw ng Kalayaan sa pamamagitan ng mga parada at martsa sa buong bansa.
Ilan pa sa mga sikat na aktibidad ay ang paputok, panonood ng palakasan, at pakikinig sa tradisyunal na musikang Colombian.
6. Popular ang pagbisita sa Bahay ni Llorente
Ang bahay ni Llorente sa Bogotá, ang lugar kung saan nangyari ang insidente ng paso ng bulaklak, ay ginawang “Museo del 20 de Julio” o Museo ng Hulyo 20, na isa sa mga pinakabinibisitang lugar tuwing Araw ng Kalayaan.